
Naghain ng panukalang batas si reelectionist Senator Christopher “Bong” Go upang palawakin ang kapasidad ng Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital sa City of San Fernando, Pampanga.
Layunin ng Senate Bill No. 2990 na inihain ng Senador na matugunan ang lumalaking bilang ng mga OFW at kanilang ‘dependents’ na nangangailangan ng medical care sa pasilidad.
Sa ilalim nito, dodoblehin ang kapasidad ng naturang ospital; mula 50 ay gagawing 100 na ang mga kama. Ia-upgrade din ang mga pasilidad at serbisyo nito. Kasama sa pagpapalawak ang pag-hire ng dagdag na healthcare professionals at pagkuha ng mas maraming kagamitang medikal.
Binigyang-diin ni Go, na siyang Chairperson ng Senate Committee on Health, ang kahalagahan na mapagbuti at mapatatag ang healthcare services para sa mga OFW na tinatawag na “modern day heroes” ng bansa.
Aniya, ang panukalang batas ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap na palakasin ang suporta ng gobyerno habang tinitiyak na nakatatanggap sila ng proteksyon sa ibang bansa at mga serbisyong pangkalusugan sa kanilang home country.

Ang OFW Hospital, na itinatag sa pamamagitan ng Executive Order No.154 noong 2021 at pinasinayaan noong May 1, 2022, ay ang primary healthcare facility ng bansa na nakatuon sa mga OFW at kanilang pamilya. Gayunpaman, ang 50-bed capacity nito ay hindi kayang matugunan ang tumataas na demand.
Samantala, maglalaan naman ng pondo ang Department of Migrant Workers (DMW) para sa nasabing panukala, habang isasama ng Department of Health (DOH) ang pasilidad sa subsidy program nito para sa mga medical infrastructure. #
The post OFW Hospital sa CSFP, mas palalawakin first appeared on CLTV36.