By Ashley Punzalan, CLTV36 News
Apat na Chinese nationals ang inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos mahulihan ng nasa ₱1.7-million pesos na halaga ng smuggled onions sa Brgy. Laug, Mexico, Pampanga nitong Sabado, April 26.
Inaresto ng mga otoridad ang mga suspek na sina alias “Shengren”, “Jialong”, “Wei”, at “Dewen” nang madiskubre na misdeclared ang laman ng kanilang 40-foot container van.
Ayon kay CIDG Director Major General Nicolas Torre III, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa posibleng smuggling ng agricultural products gamit ang isang trailer truck na dadaan sa bayan ng Mexico.
Nakumpirma ang smuggling matapos makita na hindi tugma ang laman ng truck sa nakasaad sa importation documents. Sa halip na Japanese chicken karaage strips, sibuyas ang natagpuan sa loob nito.
Pinaniniwalaang nagmula sa China ang mga sibuyas at sinadya umanong i-misdeclare ang mga ito upang makaiwas sa tamang buwis at mga regulasyon ng gobyerno.
Ayon kay Torre, patuloy ang kanilang operasyon kontra illegal smuggling ng mga agricultural at fishery products dahil nakakaapekto ito sa supply, production, at stability ng presyo ng mga agri products. Dagdag niya, maaari rin itong magdulot ng panganib sa food security ng bansa.
Samantala, ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 12022 o ang Anti Agricultural Sabotage Act kaugnay ng RA 10854 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 dahil sa fraudulent import and shipping documents at tax evasion sa pamamagitan ng misclassification, misdeclaration o under-valuation ng imported goods. #
The post 4 Chinese nationals, arestado dahil sa ₱1.7-M halaga ng smuggled onions first appeared on CLTV36.