By Acel Fernando, CLTV36 News
Ilang araw bago ang 2025 National at Local Elections, tiniyak ng Pampanga Police Provincial Office ang kanilang kahandaan para sa ligtas, maayos, at mapayapang halalan sa lalawigan.
Ayon kay Chief of Pampanga PPO PCOL Jay C. Dimaandal, matagal nang nakalatag ang kanilang mga plano at estratehiya para sa darating na eleksyon.
Aabot daw sa 1,786 pulis ang ide-deploy sa araw mismo ng halalan. Sa bilang na ito, 1,022 ang itatalaga sa mga presinto, habang ang iba naman ay naka-assign sa checkpoints, Commission on Elections (Comelec) offices, at emergency response.

May karagdagang 477 tauhan din mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fire Protection (BFP) na makakatuwang ng kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan.
Sa tala ng Comelec, mayroong 552 kandidato ang maglalaban-laban para sa 222 posisyon, habang inaasahang boboto ang humigit-kumulang 1.4 milyong rehistradong botante sa 8,856 precincts na nasa 511 voting centers.
Sa kasalukuyan, 19 na bayan sa Pampanga ang nasa “Green” category o itinuturing na generally peaceful, habang dalawa ang nasa ilalim ng “Yellow” category o mga lugar na may kaunting banta. Wala namang lugar na nasa “Orange” o “Red” category.
Tiniyak ni Dimaandal na handang-handa ang kanilang hanay at nakatuon ang buong pwersa ng kapulisan para tiyakin ang mapayapa at tapat na halalan para sa lahat ng Kapampangan. #
The post Pampanga PPO, handa na para sa Halalan 2025 first appeared on CLTV36.