Mas inilalapit ng Angeles City LGU ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Angeleño kasabay ng pagbubukas ng ikaanim na Puso Center Primary Care Facility sa Syudad.
Ang center, na matatagpuan sa Brgy. Anunas, ay opisyal na pinasinayaan ngayong Martes, May 21.

Una nang nakumpleto ang lima pang primary care facilities sa Barangay Pulungbulu, Tabun, Pulung Maragul, Cutud, at Malabanias.
Isa pang Puso Center ang nakatakdang buksan sa Brgy. Amsic sa Huwebes, May 22, habang dalawa sa Brgy. Capaya at Balibago ang naka-schedule na ring pasinayaan.
Makikita sa mga naturang pasilidad ang isang dental clinic, consultation at laboratory rooms, physician’s office, storage space, at pantry. Mayroon ding pharmacy dito na may stock ng mga mahahalagang gamot.

Nagdagdag din ang LGU ng mga doktor, dentista, dental aide, at pharmacist upang masiguro ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan.
Sa kabuuan, inaasahang magkakaroon ng 15 primary care facilities ang buong Angeles City — siyam na Puso Center, at anim na Rural Health Units na matatagpuan sa Sto. Domingo, Lourdes Sur East, Lourdes Northwest, Pulung Cacutud, at Balibago.

Ayon kay outgoing Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. ipagpapatuloy niya ang kanyang commitment sa bawat Angeleño bagama’t anim na linggo na lamang ang natitira sa kanyang termino. Nagwagi bilang 1st District Representative ng Pampanga si Lazatin matapos ang 2025 Midterm Elections. #
The post Ika-6 na Puso Center, target ilapit ang health services sa mga Angeleño first appeared on CLTV36.