By MC Galang, CLTV36 News
Pinapaalalahanan ng San Fernando Electric Light and Power Company (SFELAPCO) ang publiko at local authority sa Syudad na magdoble ingat upang maiwasan ang anumang electrical accident at mapanatili ang seguridad ng mga pasilidad na may kaugnayan dito ngayong nalalapit ang rainy season.
Batay sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahan ang pagpasok ng panahon ng tag-ulan sa Hunyo bunsod ng nakikita nilang senyales ng Hanging Habagat o Southwest monsoon at ang mataas na datos ng rainfall.
Ayon kay SFELAPCO Spokesperson Atty. Cathy Diaz, kinakailangang maging proactive ang lahat ng sektor sa pagtiyak na ligtas at power-ready sila, lalo na sa panahon ng pagbaha, malalakas na ulan, at bagyo.
Bilang bahagi ng kanilang kampanya sa ligtas na paggamit ng kuryente lalo na tuwing tag-ulan, hinihikayat ng SFELAPCO ang publiko na sundan ang mga sumusunod na safety guidelines.
Una rito ang pagputol ng mga sanga ng mga puno na tumatama sa power lines. Para naman sa flood-prone areas, dapat iwasan ang pag-imbak ng tubig malapit sa electrical installations gaya ng transformers, metro, o underground service boxes.
Payo rin ng SFELAPCO na huwag maglagay ng istruktura o signages, antennas, at scaffolding na malapit sa power lines. Tiyakin din daw na ang electric outlets ay tuyo, tanggalin ang mga nakasaksak na appliance tuwing bumabagyo, at laging suriin ang mga electric wiring sa bahay.
Samantala, patuloy naman na magsasagawa ng preventive maintenance at system checks ang kumpanya sa kanilang nasasakupan, kasama ang kanilang emergency response team, bilang paghahanda sa nalalapit na rainy season. #
The post Electrical safety, dapat paghandaan bago ang tag-ulan: SFELAPCO first appeared on CLTV36.