Arestado ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isa pang akusado sa kasong human trafficking na kinasasangkutan nina dating presidential spokesperson Harry Roque at business owner na si Cassandra Ong, kaugnay ng iligal na operasyon ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.
Kinilala ng mga otoridad ang suspek na si “Mariano” na nadakip sa Public Safety Division ng Clark Development Corporation (CDC) nitong Huwebes, May 29, bandang 6 PM.

Si Mariano ay dati umanong security guard ng Lucky South 99 Outsourcing, Inc.. Si Ong ay isa sa mga incorporator ng naturang kumpanya, habang si Roque naman ang nagsilbing legal counsel.
Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng warrant na inilabas laban sa kabuuang 51 na akusado, kabilang sina Roque at Ong, dahil sa paglabag sa Republic Act 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act. Ang kaso ay non-bailable.
Nanawagan si CIDG Dir. Maj. Gen. Nicolas Torre sa iba pang akusado na boluntaryong sumuko upang hindi na sila kailanganin pang tugisin ng batas.
Giit niya, puspusan na rin ang koordinasyon ng gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Police Organization (Interpol) upang mahuli si Roque na nasa Netherlands para sa kanyang asylum application.
Matatandaang una nang naaresto ng CIDG ang isa pang suspek na si “Marlon” sa ikinasang entrapment operation sa Barangay Tabun, Mabalacat City noong May 22. #
The post Dating sekyu ng POGO hub sa Porac, arestado ng CIDG first appeared on CLTV36.