By Ashley Punzalan, CLTV36 News
Arestado ang isang high-value Chinese fugitive at anim pang Chinese nationals na sangkot sa iba’t ibang iligal na gawain sa isang operasyon ng Bureau of Immigration (BI) sa Mabalacat at Angeles City, Pampanga nitong Sabado, June 28.

Kinumpirma ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pagkakahuli kay Zhao Jianfeng, 28-anyos, isang Chinese national na may warrant mula sa Liangqing Branch ng Nanning Municipal Public Security sa China, dahil sa kasong fraud noong June 16. Naaresto siya sa Clark Freeport Zone, Mabalacat City.
Kinilala si Zhao bilang core member ng isang transnational criminal syndicate na sangkot sa telecom at online investment scams na ang pangunahing biktima ay mga kapwa Chinese, habang siya naman ay nasa Pilipinas.
Katuwang ang iba pang local intelligence units, nadiskubre rin sa parehong operasyon ang lima pang Chinese nationals na sina Song Genyuan, Wu Xinxu, Wen Jing, Xu Yongcheng, at Lin Jinyang na huli sa aktong nag-ooperate ng mga computer workstation na pinaniniwalaang ginagamit para sa telecom fraud.
Bukod dito, timbog din sa isinagawang follow-up operation sa parehong araw, ang isa pang high-ranking syndicate member na si Lu Bingbing, 25 years old, sa isang casino sa Angeles City. Wala siyang naipakitang pasaporte o valid immigration documents nang siya ay dakpin.
Kasulukuyan nang sumasailalim sa booking at documentation ang mga suspek at nakatakdang i-turn over sa BI Warden Facility bilang paghahanda sa kanilang deportation. Mahigpit rin ang koordinasyon ng BI sa Chinese government upang maibalik ang fugitives sa kanilang bansa at harapin ang kani-kanilang kaso sa China.
Nagbabala naman ang BI sa iba pang foreign fugitives na nagtatago sa Pilipinas na matutunton sila at maipapabalik sa kanilang bansa lalo na’t mas pinalalakas ng administrasyon ang pakikipagtulungan sa international partners para maprotektahan ang publiko laban sa fraud at kriminal na gawain. #
The post 7 Chinese fugitives na sangkot sa telco fraud, arestado sa Pampanga first appeared on CLTV36.