By MC Galang, CLTV36 News
PAMPANGA — Opisyal nang isinailalim sa state of calamity ang buong lalawigan ng Pampanga matapos aprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang Resolution No. 9405 ngayong Huwebes, July 24.
Ang hakbang na ito ay tugon sa matinding epekto ng magkakasunod na tropical cyclones Bising, Crising, Dante, at Emong, na sinabayan pa ng walang patid na ulan bunsod ng southwest monsoon o habagat simula pa noong July 4.
Batay sa resolusyon, malawak na ang pinsalang naidulot ng mga pag-ulan sa kabuhayan, imprastruktura, agrikultura, at pangunahing serbisyo sa halos lahat ng lungsod at bayan sa lalawigan.


Sa latest report ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) nitong Miyerkules, July 23, aabot sa 527,648 katao o katumbas ng 160,891 pamilya mula sa 290 barangay ang naapektuhan. Sa bilang na ito, 224 barangay sa 18 LGUs ang nakaranas ng pagbaha, habang 3,787 indibidwal o 1,122 pamilya ang inilikas mula sa 83 barangay.
Tinatayang umabot na rin sa ₱470.1 milyon ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura, habang ₱3.39 milyon naman ang damage sa livestock.
Dahil dito, pinakilos ni Governor Lilia “Nanay” Pineda, sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), ang RDANA team upang magsagawa ng masusing assessment sa mga pinakaapektadong lugar.
Samantala, batay sa guidelines ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nakasaad sa Memorandum No. 60, Series of 2019, ang deklarasyon ng state of calamity ay kinakailangan kapag umabot sa 15% ng populasyon ang apektado at nangangailangan ng emergency assistance. #
The post Buong Pampanga, nasa State of Calamity na first appeared on CLTV36.