Mula sa dating 27 garbage trucks na araw-araw bumibiyahe patungong landfill, nasa apat na truck na lamang umano ng basura ang naitatapon ng bayan ng Sta. Ana, Pampanga. Ayon kay Mayor Dinan Labung, bunsod ito ng mas pinaigting na operasyon ng Materials Recovery Facility (MRF) ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Labung, kabilang sa mga unang tinutukan ng kanyang administrasyon ang rehabilitasyon at pagpapahusay ng mga kagamitan sa MRF, na hindi lamang nakatuon sa waste reduction kundi maaari ring makapag-generate ng karagdagang kita para sa mga garbage collector at miyembro ng komunidad na aktibong nakikilahok sa waste management program ng bayan.
Dagdag pa ng alkalde, plano ngayon ng Sta. Ana LGU na paunlarin ang MRF bilang isang eco-park, kasabay ng pagtatanim ng fruit-bearing trees at gulayan sa paligid nito.
Nitong Martes, January 27, binisita ni Pampanga Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Chief Engr. Art Punsalan ang MRF ng Sta. Ana, kung saan nakita niya ang potensyal ng pasilidad na pagbasehan sa lalawigan pagdating sa epektibong pagpapatupad ng solid waste management. #
The post Pinaigting na Materials Recovery Facility, susi sa waste reduction ng Sta. Ana: Mayor Labung first appeared on CLTV36.