Ipinag-utos ni Pampanga Governor Lilia “Nanay” Pineda ang pagpapalawig ng surveillance sa mga barangay sa buong lalawigan kasunod ng patuloy na nararamdamang epekto ng inflation sa mga komunidad.
Target umano nitong mas matutukan ang sitwasyon sa ground level at maagapan ang posibleng paglala ng krisis. Isa sa gustong makita ng Pamahalaang Panlalawigan ang unemployment rate at bilang ng mga mamamayang nakokompromiso ultimo ang pagkain.
Kasabay nito, inatasan din ng gobernadora ang mga Local Chief Executive na paigtingin ang food security programs sa kani-kanilang nasasakupan. Ito ay bilang paghahanda sa inaasahang pagtaas pa ng presyo ng mga pangunahing bilihin o prime commodities na direktang tumatama sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Kapampangan.
Ikinababahala rin ng Provincial Government ang posibleng pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho, lalo na kung mapipilitang magsara ang maliliit na negosyo dulot ng patuloy na economic pressure. Ayon sa pamahalaan, mahalagang maagapan ito upang hindi lalong lumala ang epekto sa lokal na ekonomiya.
Samantala, sa panayam ng CLTV36 sa ilang informal workers, ramdam na ramdam nila ang epekto ng inflation, partikular ang pagtaas ng presyo ng liquefied petroleum gas (LPG).
Apektado rin ang kabuhayan ng mga ambulant vendor na umaasa sa gasul sa kanilang pang-araw-araw na operasyon, dahilan upang lumiit ang kanilang kita sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastos. #
The post Barangay surveillance at food security programs kontra inflation, pinalalakas ng Pampanga Gov’t first appeared on CLTV36.