Isang BPO company sa Angeles City ang umaaray sa epekto ng tumitinding inflation kasabay ng krisis sa petrolyo.
Ayon kay Faith Natividad, Chief Heart Officer ng Digital Workforce Group, ramdam ng kanilang mga empleyado ang pagnipis ng kita, lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.
Bilang tugon, nagpatupad ang kumpanya ng mga inisyatiba upang maibsan ang epekto sa kanilang workforce, lalo na’t hindi lahat ay naka-work-from-home setup.
Kasabay nito, umaapela ang sektor ng middle class sa pamahalaan na mabigyan din sila ng sapat na atensyon. Anila, kabilang sila sa may malaking ambag sa buwis ngunit kadalasang naiiwan sa mga programang ayuda.
Sa panig ng gobyerno, ipinaliwanag ni Department of Energy (DOE) Sec. Sharon Garin na nananatiling targeted ang ayuda para sa mga pinakabulnerableng sektor na unang tinatamaan ng krisis.
Samantala, sa datos ng Clark Development Corporation, nananatiling matatag ang BPO industry sa Clark. Walang naitalang retrenchment at stable ang suplay ng enerhiya sa economic zone.
Sa gitna ng krisis, nananatili mang matatag ang sektor, malinaw pa rin ang panawagan: huwag kalimutan ang middle class. #
The post BPO employees, ramdam ang epekto ng inflation at oil crisis first appeared on CLTV36.