PHLPost naglunsad ng commemorative stamp para sa ika-150 anibersaryo ni Heneral Gregorio del Pilar

BULAKAN, Bulacan (PIA) — Inilunsad ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang commemorative stamp at envelope bilang bahagi ng paggunita sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Heneral Gregorio “Goyo” del Pilar, isa sa mga pinakabatang bayani ng Himagsikang Pilipino.

Kasabay ng paglulunsad ang pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng paglaya ng Bulacan mula sa mga Kastila noong Hunyo 24, 1898—isang makasaysayang tagumpay na pinangunahan ni Del Pilar at naging daan upang italaga siya bilang punong lalawigan ng Bulacan sa kasagsagan ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

Ayon kay Postmaster General Maximo Santa Maria III, layunin ng commemorative stamp na mapanatiling buhay ang alaala at kabayanihan ni Del Pilar habang naipapakilala ang kanyang kuwento sa mas maraming Pilipino sa pamamagitan ng bawat liham at parselang ipinadadala ng PHLPost.

Aniya, magsisilbi rin itong inspirasyon lalo na sa mga kabataan, sapagkat pinatunayan ni Del Pilar na hindi hadlang ang murang edad upang mamuno, maglingkod, at magsakripisyo para sa bayan.

Mabibili na sa mga post office ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang commemorative stamp at envelope na inilunsad bilang paggunita sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Heneral Gregorio “Goyo” del Pilar. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Batay sa tala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), naging mahalagang pinuno si Del Pilar sa rebolusyon laban sa mga Kastila bago siya naging gobernador ng Bulacan.

Kabilang sa kanyang mga matagumpay na kampanya ang paglusob sa Mambog sa Malolos at ang estratehikong pagkuha sa simbahan ng Paombong sa pamamagitan ng pagpapanggap ng ilan sa kanyang mga kawal bilang kababaihan.

Ngunit higit siyang kinilala sa kanyang kabayanihan sa Labanan sa Pasong Tirad sa Ilocos Sur noong Disyembre 1899, kung saan pinamunuan niya ang maliit na pangkat ng mga sundalo upang mapigilan ang pag-usad ng hukbong Amerikano at mabigyan ng sapat na panahon ang paglikas ni Pangulong Emilio Aguinaldo at ng pamahalaan ng Unang Republika ng Pilipinas.

Nagbuwis ng buhay si Del Pilar sa labanang iyon sa edad na 24, dahilan upang maging isa siya sa mga pinakatanyag na simbolo ng katapangan at pagmamahal sa bayan.

Kasabay ng paggunita, inilunsad din ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang PASS-yal Bayani Bulacan Pamana Pass, isang heritage tourism initiative na nagtatampok sa mga makasaysayang pook na may kaugnayan sa buhay at kabayanihan ni Del Pilar.

Ayon sa PHLPost, ang commemorative stamp ay hindi lamang isang postal collectible kundi nagsisilbi ring kasangkapan sa pagpapalaganap ng kasaysayan at pagpapahalaga sa mga bayaning nag-ambag sa kalayaan ng bansa, lalo na sa mga susunod na henerasyon. (MJSC/SFV, PIA Region 3-Pampanga)