Mabuting kalagayan ng mga Aetang inilikas sanhi ng landslide, tiniyak ng Kapitolyo

PORAC, Pampanga – Personal na kinamusta ni Vice Gov. Dennis “Delta” Pineda, kasama si Department of Social Welfare Region 3 director Venus Rebuldela at Mayor Jing Capil, ang kalagayan ng mga katutubong Aeta na inilikas matapos ang landslide sa Sitio Pidpid, Barangay Sapang Uwak nitong Biyernes ng hapon, kasunod ng walang tigil na pag-ulan.

Isang 70-anyos na katutubo ang nasawi matapos matabunan ng lupa. Kasama niya ang kanyang 73-anyos na maybahay nang mangyari ang insidente. Hindi umano nito nailigtas ang kanyang mister dahil sa kanyang edad at kapansanan.

Sa paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang naging tigmak sa tubig ang buhanginang lupa dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan na nagbunga sa mataas na posibilidad ng pagguho.

Bilang pag-iingat, nauna nang inilikas ng pamahalaang bayan ng Porac ang nasa 30 pamilya patungo sa Porac Sports Center. Magtutulungan na din ang LGU at Provincial Government of Pampanga para sa forced evacuation ng mahigit 30 pang indibidwal na nakatira malapit sa landslide area.

Ang ilan sa mga evacuees, kabilang ang mga mula sa upland areas, ay ililipat sa temporary evacuation center sa Barangay Pio upang mas matugunan ang kanilang mga pangangailangan at matiyak ang kanilang kaligtasan.

Bilang agarang tulong, ipinahanda ni Gov. Lilia “Nanay” Pineda ang mga sleeping kits, hygiene kits, ready-to-eat meals, gamot, at food packs mula sa Department of Social Welfare and Development.

Ipinahanda rin ni Vice Gov. Delta ang generator sets, portalets, water supply, at mobile kitchen sa Pio evacuation center.

Patuloy naman ang koordinasyon ng provincial government at LGU Porac upang matiyak ang kaligtasan at agarang matugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang apektado. Pampanga PIO/Photos: Luisse Rutao