Ligtas nang naibalik sa pangangalaga ng social welfare ang walong buwang gulang na kambal na lalaki matapos silang masagip sa isinagawang anti-trafficking operation sa Candaba, Pampanga.
Batay sa ulat ng PNP Southern Police District (SPD), nag-ugat ang kaso sa reklamo ng lola ng kambal matapos umanong i-transfer o ilipat ng kanila mismong ina ang mga bata sa isang babaeng nakilala nito sa Facebook.
Sa paunang imbestigasyon, nagpadala umano ang naturang babae ng ₱27,000 sa ina ng kambal sa pamamagitan ng online transfer at nagbigay pa ng karagdagang ₱3,000 na cash. Kalaunan, kinilala rin umano ng mismong nanay ang babae sa pamamagitan ng larawang nakuha ng mga imbestigador sa bisa ng isang Warrant to Disclose Computer Data.
Noong October 19, nagsagawa ng operasyon ang mga otoridad sa San Luis, Aurora, kung saan naaresto ang umano’y pinagbentahan. Bagama’t hindi nakita roon ang kambal, dalawa pang menor de edad ang nasagip at ibinigay sa pangangalaga ng mga social worker.
Sa isinagawang follow-up investigation, nadiskubre ng mga pulis na naipasa umano ng babae ang kambal sa isang mag-live-in partner sa Candaba, Pampanga.
Nitong Linggo, October 25, naaresto ang dalawang suspek at na-recover mula sa kanilang kustodiya ang kambal. Dinala ang mga sanggol sa mga social welfare personnel para sa pagsusuri at kaukulang proteksyon.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong may kaugnayan sa paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga otoridad ang mga financial transaction at ang posibleng pananagutan ng iba pang sangkot, kabilang ang mismong ina ng kambal. #
The post Kambal na sanggol na umano’y ibinenta sa halagang ₱30-K, na-rescue sa Pampanga first appeared on CLTV36.