Nakahandang ipaliwanag at ipakita sa CLTV36 News ng Holistic Animal Doctor Crematorium sa Barangay Panipuan, CSFP ang proseso ng pagtanggap, paghawak, at pag-cremate ng mga namatay na alagang hayop.
Ito ang kinumpirma ng kinatawan ng kumpanya matapos personal na magtungo ang CLTV36 News team sa pasilidad upang kunin ang panig ng pamunuan, kasunod ng panawagan ng mahigit 300 pet owners para sa transparency at accountability.
Matatandaang ipinasuspinde ng lokal na pamahalaan ang operasyon ng crematorium matapos matukoy sa inspeksyon noong November 3 ang kakulangan sa business permit, sanitation, at environmental requirements.
Samantala, walang natuklasang mass burial site sa pasilidad, ayon sa City Agriculture and Veterinary Office. May nakita rin umanong mga labi ng hayop na nakaimbak sa freezer at refrigerator, kasama ang mga record para sa pagkakakilanlan ng mga ito.
Kabilang sa mga nais linawin ng pet owners ang aktuwal na proseso ng cremation, mga record sa paghawak ng labi, at kung paano tinitiyak na ang abo na ibinabalik sa kanila ay mula mismo sa kanilang mga alagang hayop. #
The post Pet crematorium sa Pampanga, handa umanong ipakita ang operasyon sa CLTV36 News first appeared on CLTV36.