Ramdam na ang Christmas rush sa Angeles City kasabay ng nagpapatuloy na rehabilitasyon ng urban canal system, na nakadaragdag sa pagsisikip ng trapiko sa ilang bahagi ng lungsod.

Nitong weekend, November 21 at 22, nakaranas ng matinding traffic ang mga motorista sa ilang pangunahing lansangan at commercial districts ng lungsod.
Ayon kay Angeles City Information Office Chief Jay Pelayo IV, naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng mga hakbang upang maibsan ang pagbigat ng trapiko, lalo na ngayong papalapit ang kapaskuhan.
Paliwanag ni Pelayo, dagdag sa hamon sa traffic management ang pagdami ng mga mamimili at bisitang nagtutungo sa mga shopping mall at business districts. Hindi lamang mga Angeleño ang gumagamit ng mga pangunahing kalsada kundi maging ang mga turista at motoristang nagmumula sa mga karatig-lugar.
Kabilang sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan ang pagpapahaba ng duty hours ng mga traffic enforcer, pagpapahusay ng traffic management, at pagpapabilis ng mga engineering intervention sa mga lugar na madalas makaranas ng traffic congestion.
Plinano rin ang paglalagay ng mga traffic signal o stoplight upang mas maging maayos ang daloy ng mga sasakyan.
Samantala, nananatiling hamon sa lungsod ang pagbabalanse sa mga proyektong pang-imprastraktura at ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga motorista.
Inaasahan ding magiging mahalaga ang mas mahigpit na koordinasyon ng mga traffic enforcer, engineering offices at iba pang kinauukulang tanggapan upang matugunan ang inaasahang pagdami pa ng mga sasakyan sa panahon ng holiday shopping season.
Sa gitna ng nagpapatuloy na mga proyekto at pagdami ng commercial activity, hamon sa lokal na pamahalaan ang mapanatiling maayos ang daloy ng trapiko habang isinusulong ang mga kinakailangang imprastraktura sa Angeles City. #
The post Rehabilitasyon ng urban canal system at Christmas rush, nagpapabigat sa trapiko sa Angeles City first appeared on CLTV36.