By Ashley Punzalan, CLTV36 News
Naaresto ang dalawang drug personalities at nasamsam rin sa kanila ang higit ₱1.3-milyong halaga ng hinihinalang shabu at isang baril sa magkahiwalay na buy-bust operations sa mga lalawigan ng Pampanga at Bulacan nitong Huwebes, May 22.
Kabilang sa unified drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang natimbog na si alyas “Anok”, 44 years old, sa Brgy. Panginay, Guiguinto, Bulacan. Nakumpiska mula sa kanya ang 96.42 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱655,600 at isang calibre .380 pistol na kargado ng tatlong bala.

Samantala, sa isinagawang operation ng PDEA katuwang ang Guagua Municipal Police Station, arestado ang isang bagong tukoy na High-Value Individual (HVI) na si alyas “Bert”, 40 years old.

Nasamsam mula sa kanya ang 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng higit-kumulang ₱680,000, isang digital weighing scale at limang piraso ng ₱1,000 marked money.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek. Sasampahan sila ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, habang si alyas “Anok” naman ay mahaharap rin sa karagdagang kaso sa ilalim ng RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act kaugnay ng Omnibus Election Code. #
The post ₱1.3-M na halaga ng shabu, isang baril, nasabat sa Pampanga at Bulacan first appeared on CLTV36.