By Noel Celeste, CLTV36 News
Nasamsam ng mga otoridad ang nasa ₱1.2 milyong halaga ng umano’y hindi otorisadong laundry products sa San Simon, Pampanga matapos ang isinagawang operasyon nitong Lunes, October 12.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), 9,628 pakete ng Harmony laundry detergent fabric softener ang nakumpiska ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), katuwang ang Philippine Air Force at Food and Drug Administration (FDA), sa bisa ng search warrant.
Dalawang Chinese national ang inaresto kaugnay ng operasyon at kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG para sa kaukulang proseso. Dalawa pang indibidwal ang pinaghahanap.
Samantala, sa hiwalay na operasyon sa Barangay Malaienen Bago, Naic, Cavite, nasamsam ang 16,492 sako ng bigas na nagkakahalaga ng tinatayang ₱20 milyon mula sa isang bodega dahil sa umano’y iregularidad sa pag-aangkat at pag-iimbak nito, kabilang ang posibleng paghahalo ng imported at lokal na bigas.
Nasa kustodiya na ng Bureau of Customs ang mga nakumpiskang produkto para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon. Kasalukuyan namang pinaghahanap ang isang taong iniuugnay sa operasyon. #
The post ₱21.2-M halaga ng bigas at laundry products, nasamsam sa Pampanga at Cavite first appeared on CLTV36.
