Aabot sa ₱250 million ang pondong ilalaan para sa pagsasaayos ng Jose Songco Lapid District Hospital sa Porac, Pampanga.
Ito ang kinumpirma ni Senador Lito Lapid sa idinaos na groundbreaking ceremony ng proyekto na dinaluhan ng ilang mga opisyal ng lalawigan nitong Huwebes, ika-30 ng Mayo.
Batay sa project design, tatlong palapag na gusali ang itatayo na maglalaman ng iba’t ibang pasilidad gaya na lamang ng CT Scan laboratory at bagong operating room.
Tiniyak naman ni Gov. Dennis Pineda na ang Pamahalaang Panlalawigan na ang maglalagay ng medical equipment sa itatayong gusali. Nagpasalamat din si Pineda kay Lapid para sa pagbibigay prayoridad ng mambabatas na mapondohan ang isa sa mga district hospital sa segunda distrito ng lalawigan.
Samantala, phase by phase daw ang paggiba sa kasalukuyang gusali ng pagamutan para hindi maapektuhan ang operasyon nito ayon kay Yna Ramos-Reynoso, Chairman at President ng RC Ramos Construction Corporation na contractor ng Department of Public Works and Highways. Magtatalaga naman daw ng temporary facility ang pamunuan ng ospital ayon kay Dr. Larry Fernando.
Nasa kategoryang Level 1 hospital ang Jose Songco Lapid District Hospital at layon umano nitong madagdagan ang kanilang maibibigay na serbisyong medikal sa mga Kapampangan.