Tinatayang ₱30-M halaga ng umano’y ilegal na soy sauce products at mga kagamitan ang nasamsam ng mga otoridad sa isang manufacturing facility sa Barangay Sta. Lucia, City of San Fernando, Pampanga noong May 6, 2026.
Arestado rin ang isang lalaking kinilalang “Aldo” matapos umano siyang maaktuhang nagpapatakbo ng pasilidad na gumagawa at nag-iimbak ng hindi rehistradong “Mr. Cook” soy sauce at iba pang soy products.
Batay sa imbestigasyon, lumabas na walang kaukulang rehistro sa Department of Trade and Industry (DTI) ang naturang manufacturing facility.

Kabilang sa mga nasamsam sa operasyon ang processing equipment, storage tanks, steam boilers, blending at mixing machines, filters, at 25 lalagyan ng concentrated soya extract at iba pang soy products.
Ayon sa mga otoridad, ang paggawa at distribusyon ng mga produktong pagkain na walang rehistro mula sa Food and Drug Administration (FDA) ay posibleng paglabag sa Republic Act No. 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009.
Maaari umanong magdulot ng seryosong banta sa kalusugan ng mga consumer ang mga produktong hindi dumaan sa tamang pagsusuri at rehistro ng FDA.
Isinagawa ang pagsalakay sa bisa ng search warrant sa pagtutulungan ng CIDG Pampanga Provincial Field Unit, CIDG Regional Field Unit 3 Special Operations Team, Police Regional Office 3 Special Operations Group, at City of San Fernando Police Station. #
The post ₱30-M halaga ng illegal soy sauce products at equipment, nasamsam sa Pampanga raid first appeared on CLTV36.