Arestado ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Mabalacat City, Pampanga nitong madaling araw ng May 2.
Sa Sitio Bana, Barangay Dolores, nasamsam mula sa mga suspek ang tinatayang isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱6.8 million.

Bukod sa droga, nakumpiska rin ng mga otoridad ang isang kalibre .45 na baril, magasin, at apat na bala mula sa dalawang suspek. Kinilala ang mga salarin na alyas “Kuya” at “Panggay,” at kapwa itinuturing na high-value individuals.


Isinagawa ang operasyon ng Mabalacat City Police Drug Enforcement Unit, kasama ang iba pang yunit ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Central Luzon.
Nakakulong na ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at iba pang paglabag sa batas sa baril. #
The post ₱6.8-M shabu, nasabat sa 2 high-value suspects sa Mabalacat City first appeared on CLTV36.