Labing-tatlong indibidwal ang naaresto sa serye ng operasyon ng Pampanga Police Provincial Office (PPO) sa iba’t ibang lugar sa lalawigan bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa ilegal na droga, sugal, at armas.
Kabilang sa mga ito ang dalawang suspek na nahuli sa bayan ng Mexico dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165). Natuklasan ang ilegal na droga mula sa mga suspek matapos silang harangin ng pulisya sa isang checkpoint dahil sa hindi pagsusuot ng helmet. Sa kalaunan ay nakumpiska sa kanila ang mga sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 2 grams.
Arestado rin sa isang drug buy-bust operation ang isang suspek sa bayan ng Sta. Rita at nakumpiska sa kanya ang 0.90 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱6,129.
Dalawang suspek rin ang inaresto sa isa pang buy-bust operation sa Siyudad ng San Fernando. Nasamsam sa kanila ang 8 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱54,400.
Naaresto naman ang isang suspek sa Porac dahil sa kasong homicide, habang isa pang suspek ang nahuli sa Siyudad ng San Fernando dahil sa kasong carnapping. Arestado rin ang isang suspek sa bayan ng Sta. Ana na kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa bayan ng Masantol, limang indibidwal ang naaresto dahil sa ilegal na pagsusugal gamit ang baraha. Nakumpiska sa operasyon ang pera na ginamit sa pustahan kasama ng iba pang paraphernalia.
Samantala, dalawang indibidwal na dating miyembro ng isang agricultural advocacy group ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa mga bayan ng Mexico at Macabebe, kung saan isinuko rin nila sa pulisya ang dalawang rifle grenade.
Ang lahat ng indibidwal na naaresto at mga nakumpiskang ebidensya ay maayos na naidokumento para sa kaukulang legal na proseso. #
The post 13 na suspek, arestado sa Pampanga dahil sa ilegal na droga, carnapping, at iba pang krimen first appeared on CLTV36.