Dalawang gun-for-hire suspects ang nadakip ng mga otoridad sa isinagawang operasyon sa Purok 5, Brgy. Mapalad, Arayat, Pampanga nitong Martes, February 25.
Arestado ng CIDG Detective and Special Operations Unit (CIDG- DSOU) at iba pang kasamang operatiba ang mga suspek na pawang magpinsan na sina alyas “Antonio” at “Ariel”.

Na-recover mula sa kanila ang isang fragmentation grenade, dalawang caliber 45 pistols, isang MK-9 9MM sub-machine gun, mga magazine, at assorted ammunition.
Nakuha rin mula kina Antonio at Ariel ang isang Philippine National Police (PNP) Identification Card na may pangalang PMAJ Antonio Oriendo Cerbito, isang Armed Forces of the Philippines (AFP) Identification Card na may pangalan ding Major Antonio Oriendo Cerbito, at mga uniporme nito.
Lumabas naman sa imbestigasyon ng mga otoridad na hindi miyembro ng PNP at AFP ang dalawang nahuli.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek na nahaharap sa patong-patong na reklamo, gaya ng paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, RA 9516 o Illegal Possession of Explosives kaugnay ng Omnibus Election Code, at Usurpation of Authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code. #
The post 2 gun-for-hire suspects na nagpapanggap na pulis at sundalo, arestado first appeared on CLTV36.