Pormal nang inilunsad ng Pampanga State University (PSU) ang tatlong makabuluhang proyekto para sa edukasyon at community engagement.
Sa pamamagitan ito ng isang kasunduan na nilagdaan sa PSU Apalit Campus nitong July 2, kasama ang Department of Education (DepEd) Apalit, San Vicente Elementary School (SVES), at lokal na pamahalaan ng bayan.

Layon ng mga proyekto na palakasin ang literacy at numeracy ng mga mag-aaral, iangat ang digital skills ng mga guro, at patatagin ang kahandaan ng mga paaralan sa panahon ng sakuna.
Kabilang dito ang “Project USBONG”, na isang tutoring program para sa mga estudyanteng nahihirapan sa pagbabasa at pagbibilang; “From Clicks to Fix project” na nagbibigay ng digital upskilling sa mga guro; at ang “Project PROTECT”, na isa namang three-year program para sa disaster preparedness at school safety.

Pinangunahan ng mga direktor at eksperto mula sa PSU Extension Services Office ang mga inisyatibo, katuwang ang mga guro at estudyante ng unibersidad. Ayon sa pamunuan, mahalagang bahagi ng misyon ng pamantasan ang paglilingkod sa mas malawak na komunidad.
Binigyang-diin naman ng DepEd Apalit ang kahalagahan ng kolaborasyon sa mga naturang proyekto, na inaasahan umanong magbubunga ng mas matatag at ligtas na paaralan para sa mga estudyante at guro. #
The post 3 education & community projects, inilunsad ng Pampanga State University first appeared on CLTV36.