4 Kapampangan na naglayag sa karagatan ng Palawan, 13 araw nang nawawala

MASANTOL, Pampanga — Emosyonal na nananawagan sa mga otoridad ang mga kaanak na mahanap na ang apat na mga Kapampangan na 13 araw nang nawawala matapos na maglayag ang mga ito sa karagatan ng Palawan.

Ang mga nawawala ay nakilalang sina Raven Punla, 29; Russel Manansala 29;  John Lloyd Turla, 20; at Albert Mendoza, 42, lahat tubong Barangay Malauli, Masantol at pawang mga appliance vendor sa Palawan.

Ayon sa impormasyon, sa Barangay Sicsican, Puerto Princesa City umuuwi ang mga nasabing appliance vendor at noong Sept. 10, naglayag ang mga ito mula sa isla ng Mangsee patungo sa mainland Balabac pauwi ng Puerto Princesa City at hindi na sila nakita pa.

Ayon kay Rose Belinda Turla, kapatid ng nawawalang si Raven Punla, bandang 4:30 p.m. nitong Sept. 10 nang huli niyang makausap ang kapatid na nagsabing lalaot na sila sa dagat mula Mangsee pabalik sa Balabac. 

Nasa apat na oras daw ang kanilang lalakbayin at ayaw na ng mga ito na abutan pa ng masamang panahon sa dagat. Iyon daw ang huli nilang pag-uusap ng kapatid.

Humingi na daw sila ng tulong sa Philippine Coast Guard-Palawan ngunit hanggang ngayon ay bigo pa rin silang mahanap ang mga nawawala.

Wala daw makita na bakas ng bangka o maging sa mga isla na maaring silungan ng mga ito sakaling inabutan sa dagat ng masamang panahon.

Pero hinala din nila na posibleng dinukot ang apat dahil may naka-away ang kanyang kapatid sa hanapbuhay doon.

Giit nila na may malaking dalang pera ang mga ito na pinagbentahan sa negosyo kaya’t maaring pinag-interesan ang nasabing halaga bukod pa sa mga dala nitong kagamitan.

The post 4 Kapampangan na naglayag sa karagatan ng Palawan, 13 araw nang nawawala appeared first on Punto! Central Luzon.