Limang bagong S-70i “Black Hawk” helicopters ang tinanggap ng Philippine Air Force (PAF) sa Clark Air Base, Mabalacat City, Pampanga nitong Miyerkules, August 13.
Karagdagan ito sa kanilang mas pinaigting na operasyon, lalo na sa humanitarian assistance at disaster response.

Ayon sa PAF, bahagi ang mga ito ng kabuuang 32 units na binili sa ilalim ng AFP Modernization Program, na may kabuuang halaga na 32 billion pesos.
Ang pinakahuling batch ay dumating sa bansa noong July 15 matapos sumailalim sa masusing inspeksyon ng Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), at PAF.
Ang mga bagong Black Hawk ay itatalaga sa 205th Tactical Helicopter Wing ng Air Mobility Command. Kilala ang naturang modelo sa bilis, tibay, at kakayahan nitong magsagawa ng iba’t ibang misyon tulad ng troop at cargo transport, search and rescue, at relief operations.
Bago nito, nakabili na ang DND ng 16 na Black Hawk helicopters mula 2020 hanggang 2021 na nagkakahalaga ng 11.5 billion pesos, na ginamit na rin sa iba’t ibang operasyon. #
The post 5 bagong Black Hawk helicopters, dagdag sa pinaigting na operasyon ng PAF first appeared on CLTV36.