70 pamilyang nakatira sa Ilog Pampanga sa Calumpit, ililipat ng DPWH para mapabilis ang pagbabaon ng mga dike

CALUMPIT, Bulacan (PIA) — Tutulungan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang inisyal na 70 pamilya sa Calumpit, Bulacan na mailipat sa mas ligtas na tirahan.

Sila ang mga nagsipagtayo ng kani-kanilang mga bahay sa mismong Ilog Pampanga na bukod sa ipinagbabawal ng batas, ay maliwanag na mapanganib sa kanilang pamumuhay.

Iyan ang tiniyak ni DPWH Secretary Vivencio Dizon nang magsagawa siya ng inspeksyon, sakay ng bangka, sa kahabaan ng nasabing ilog sa bahagi ng Calumpit sa kasagsagan ng pagbuhos ng malakas na ulan dahil sa Habagat.

Ipinaliwanag niya na hindi maaring hindi mailipat ang nasabing mga pamilya dahil ito rin ang magiging dahilan para mabalam ang mga flood control project.

Dahil pinasimulan na aniya ang pagpapagawa ng mga bago at may nararapat na sukat ng mga dike partikular sa barangay Calizon, kailangan aniyang mapabilis ito at maging tuluy-tuloy kaya dapat matanggal lahat ng mga nakaharang.

Ayon sa pamantayan na sinusunod ng DPWH, hindi pwedeng tirahan o pagtayuan ng mga bahay ng tao ang mismong tabing ilog o mga riverbanks at hanggang apat na metro mula rito.

Ang naturang mga bahay ay hindi lamang itinayo sa tabing ilog kundi nasa mismong Ilog Pampanga.

Kaya’t kapag nagkakaroon ng high tide, sila ang unang-unang naaabot ng tubig.

Ayon pa kay Dizon, nakipag-ugnayan ang DPWH sa Department of Transportation (DOTr) upang magkaroon ng 100 alokasyon ng housing units para sa mga maaalis sa Ilog Pampanga.

Isasama sila sa ginagawang pabahay ngayon ng DOTr sa Calumpit, sa ilalim ng in-city relocation program, para sa mga tinanggal sa gilid ng riles ng tren ng Philippine National Railways kaugnay ng proyektong North-South Commuter Railway.

Target silang mailipat dito sa unang bahagi ng 2027. Habang ginagawa pa ang mga bahay, bibigyan sila ng DPWH ng housing rental subsidies.

Ibig sabihin, dahil kailangang-kailangan nang maalis ang mga bahay na naitayo sa mismong ilog, hindi na hihintayin na matapos ang itatayong pabahay ng DOTr.

Agad nang ibibigay ng DPWH ang kanilang housing rental subsidies upang makalipat na sa pansamantalang tuluyan.

Sinuri ni Public Works and Highways Secretary Vivencio Dizon ang estado ng mga ginagawang flood control projects sa gilid ng Ilog Pampanga sa bahagi ng Calumpit, Bulacan. Prayoridad ngayon ang paglilipat ng mga pamilyang naninirahan sa mismong ilog na bukod sa ipinagbabawal ay mapanganib sa kanilang pamumuhay. (DPWH)

Binigyang diin ni Dizon na talagang nabalam ang proyekto dahil inasikaso muna ng DPWH na maisaayos ang mga legalidad na aspeto bago muli itong galawin.

Ang mga flood control project sa bahaging ito ng Calumpit at kabilang sa mga natukoy na may malaking iregularidad na mismong kinumpirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nang kanyang biglang bisitahin noong Agosto 15, 2025 sa mga barangay ng Bulusan at Frances.

Kalakip ng pagbabaon ng mga tamang pilote na pagtatayuan ng mga dike na pipigil sa high tide, magpapatayo rin ng mga pumping station na magbobomba ng mga sobrang tubig ulan upang hindi magbaha sa kabila ng magiging dike.

Target ng DPWH na ipantay sa dike na nakapalibot sa Poblacion ng Calumpit ang mga dikeng itatayo sa magkabilang panig ng Ilog Pampanga.

Sa kasalukuyan, bukod sa mga hindi nagawang mga dike, may mga naipagawang dike rito sa nakalipas na mahigit 20 taon ngunit dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig at pagbabaw ng ilog, lumalagpas na rito ang tubig na nagdudulot ng matagalang pagbabaha sa bahaging ito ng Calumpit.

Sa Ilog Pampanga bumababa ang mga sobrang tubig sa Pampanga at Nueva Ecija sa panahon ng malakas na pag-ulan na nagdudulot ng back-flooding sa mga bayan Calumpit at Hagonoy sa Bulacan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)