By Ashley Punzalan, CLTV36 News

Sinimulan na ang enrolment at onboarding ng walong Persons Deprived of Liberty (PDLs) para sa kursong Bachelor of Science in Business Administration – Major in Marketing Management nitong nakaraang linggo sa loob mismo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) San Fernando District Jail.


Ang mga estudyanteng PDL ay pormal na kinilala bilang Aslag ning Balen sa ilalim ng City College of San Fernando Pampanga (CCSFP).
Bawat isa sa kanila ay binigyan ng learning tablet na eksklusibong gagamitin para sa online classes at iba pang academic activities.


Ang programang ito ay bahagi ng Project AKBAY, isang proyekto ng City Government of San Fernando sa pamamagitan ng CCSFP, katuwang ang BJMP San Fernando District Jail.
Layunin nitong bigyan ng second chance ang mga PDL na ayusin ang kanilang buhay at maihanda ang kanilang sarili sa pagbabalik sa lipunan sa pamamagitan ng edukasyon.

“True rehabilitation begins with empowerment” — ito ang binigyang diin ni Jail Chief Inspector Lord Rogelio Montero V, Acting District Jail Warden – Male Dormitory. Naniniwala siya na ang edukasyon ay isang mabisang paraan para mabigyang saysay at direksyon ang buhay ng mga PDL.
Samantala, sa pamamagitan ng Project AKBAY, pinaiigting ng CSFP LGU ang kanilang paniniwala na walang sinuman ang hindi maaaring magbago, at ang karapatan sa edukasyon ay para sa lahat kahit pa nasa likod sila ng rehas.

The post 8 PDL, nagsimula na sa kolehiyo bilang mga ‘Aslag ning Balen’ ng CCSFP first appeared on CLTV36.