Pinuri ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian ang naging sistema ng payout sa Angeles City bilang isa sa best practices sa rollout ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) para sa TODA beneficiaries sa Central Luzon.
Sa isinagawang inspeksyon ng kalihim sa venue at daloy ng pila, kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng maayos na data system at ang pagiging organisado ng lugar.
Aniya, malaking bagay ang pagkakaroon ng maayos na pasilidad kung saan lahat ng benepisyaryo ay may upuan at may air conditioner ang lugar, lalo na sa gitna ng matinding init ng panahon.
Iginiit din ni Gatchalian na mahalaga ang “human condition” sa payout sites upang masiguro hindi lamang ang kaayusan kundi pati ang bilis ng proseso ng pamamahagi ng ayuda.
Bukod sa Angeles City, binisita rin ng kalihim ang Cabanatuan City, na kilala bilang tricycle capital ng bansa.
Sa datos ng lokal na pamahalaan, tinatayang mahigit 7,000 TODA members ang target na mabigyan ng ayuda sa Angeles City. Nahahati ito sa apat na batch:
Batch 1 – April 8
Batch 2 – April 13
Batch 3 – April 14
Batch 4 – April 15
Samantala, ayon kay Angeles CSWD Chief Francis De Guzman, naabisuhan na ang TODA officers sa iba’t ibang komunidad upang maipaliwanag sa kanilang mga miyembro ang “targeted at per schedule” na sistema. Layunin nitong maiwasan ang abala sa kanilang hanapbuhay at mapanatili ang maayos na serbisyo sa publiko.
Ginaganap ang payout sa Angeles City Sports Complex, na matagal nang ginagamit na venue ng lungsod. Ayon sa lokal na pamahalaan, kabisado na ng City Hall personnel ang daloy ng operasyon dito, dahilan upang maging mabilis at episyente ang bawat transaksyon sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Jon Lazatin. #
The post AICS payout para sa TODA members sa Angeles City, maayos; pinuri ni DSWD Sec. Gatchalian first appeared on CLTV36.