Dahil sa malakas na agos ng tubig mula sa Porac Gumain River dulot ng walang patid na pag-ulan, gumuho ang bahagi ng dike road sa Sta. Rita, Lubao, Pampanga nitong Miyerkules, July 23.

Nagdulot ng pangamba sa kaligtasan ng mga residente at ari-arian sa paligid ang naturang pangyayari.
Agad namang tinungo ni Pampanga Governor Lilia “Nanay” Pineda ang lugar upang personal na makita ang lawak ng pinsala.

Kasama niya sa inspeksyon sina Provincial Engineer Noli Pangan ng Provincial Engineering Office o PEO at Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Arthur Punsalan.
Nagbigay ng rekomendasyon ang gobernador para sa pansamantalang protective measures habang pinag-uusapan ang pangmatagalang solusyon upang maiwasan ang mas matinding epekto sa mga susunod na araw.
Katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH), National Irrigation Administration (NIA), Philippine National Police (PNP), at lokal na pamahalaan ng Lubao, patuloy ang monitoring at koordinasyon ng provincial government at Pampanga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) upang matiyak ang seguridad ng mga apektadong mamamayan. #
The post Bahagi ng dike road sa Lubao, gumuho; agarang inspeksyon, isinagawa first appeared on CLTV36.