By Ashley Punzalan, CLTV36 News
Isang bamboo factory sa Brgy. Nabuclod, Floridablanca ang isusulong na maitayo ng Pampanga Provincial Government katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ay upang mapakinabangan ang dumaraming tanim na kawayan sa lugar na maaaring makapagpalago sa kabuhayan ng mga katutubong Aeta.
Bukod dito, kasama ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ng mga sikat na furniture makers sa lalawigan, tuturuan ang mga katutubo sa paggawa ng mga dekalidad na bamboo furniture kagaya ng mga upuan, papag, at marami pang iba, na bibilhin rin mismo ng pamahalaan.

Base sa datos ng Department of Environmental and Natural Resources (DENR), umabot na sa 108,872 na punla ng kawayan ang naitanim na ng mga katutubo sa kanilang lupain na may kabuuang 536 hektarya.
Ang programa ay bahagi ng Agroforestry Integrated Program ng Kapitolyo at DSWD na naglalayon matulungan ng mga Aeta na maibenta nang maayos at sa tamang presyo ang kanilang mga ani.
Samantala, binigyan rin sila ng iba’t ibang farm equipment, at bamboo and guyabano seedlings, bilang karagdagang suporta sa kabuhayan ng mga katutubo. #
The post Bamboo factory na itatayo sa Floridablanca, layong magbigay kabuhayan sa mga katutubo first appeared on CLTV36.