
Ipinasailalim sa ‘garnishment’ ang bank account ni Pampanga 3rd District Board Member Shiwen Lim.
Ito ay matapos maglabas ng kautusan ang Municipal Trial Court in Cities Branch 2 ng City of San Fernando, Pampanga kaugnay ng civil case na may halagang ₱1,130,000.
Kaugnay nito, ipinag-utos sa manager ng Land Bank of the Philippines – JASA Branch na ipataw ang garnishment sa anumang pera, ari-arian, at interes ni Lim na nasa kustodiya ng bangko.
Kasama sa halagang kokolektahin ang 6% na annual interest mula May 30, 2023.
Ayon sa Legal Information Institute ng Cornell Law School, ang ‘garnishment’ ay tumutukoy sa legal na proseso ng korte para sa pagkolekta ng danyos mula sa court order, na nagbibigay permiso sa bangko na maglabas ng pera mula sa sahod ng nasasakdal na may utang.
Base sa Supreme Court, walang batas na nagpapaliban sa sahod ng mga public officials na sumailalim sa proseso ng ‘garnishment’. Samakatuwid, sa ilalim ng Rule 39 of the Rules of Court, ang sweldo — public man o private sector — ay maaaring sumailalim sa ‘garnishment’ upang maibayad sa utang.
Samantala, ayon kay Lim, totoong nalugi ang kanyang negosyo dahilan para magkautang siya at magkaroon ng problema sa finances. Wala naman umanong kinalaman ang pondo ng bayan sa isyu na kinakaharap niya. Nanindigan din siyang hindi tatalikod at haharapin ang tamang proseso ng batas. #
The post Bank account ni BM Lim, isasailalim sa ‘garnishment’ first appeared on CLTV36.