
Pormal nang sinimulan ng Philippine Air Force (PAF) at ng US Pacific Air Forces (PACAF) ang ikalawang bahagi ng Cope Thunder Philippines 2025 (CT PH 25-2) sa Clark Air Base, Mabalacat City, Pampanga nitong Lunes, July 7.
Tatagal ang bilateral air exercise hanggang July 18 at isasagawa sa iba’t ibang training locations sa Hilagang Luzon.
Ayon kay PAF spokesperson Col. Consuelo Castillo, layunin nitong palakasin ang alyansa at defense cooperation ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa naturang air exercise, magpapakilos ang PAF ng 2,301 personnel at iba’t ibang air assets gaya ng mga fighter jets at helicopters. Magdadala naman ang PACAF ng 225 personnel at F-35 fighter aircraft.
Bahagi ng CT PH ang subject matter expert exchanges at field training exercises sa mga itinalagang military training areas sa Hilagang Luzon. Inaasahang mapapahusay nito ang operational tactics at joint mission capabilities ng dalawang bansa.
Matatandaang unang isinagawa ng Pilipinas at Amerika ang unang bahagi ng naturang aktibidad noong April 7, 2025. #
The post Bilateral air exercise ng PH at US, pinaigting sa Cope Thunder 25-2 first appeared on CLTV36.