Buhawi nanalasa sa Arayat, 2 bahay nawasak

ARAYAT, Pampanga — Dalawang bahay ang napinsala sa pananalasa ng buhawi sa Barangay Candating ng bayang ito kahapon.

Sa ulat ng pamahalaang barangay ay nasa 20 pamilya ang naapektuhan ng buhawi kung saan ang mga pamilya nina Maria Teresa Pineda at kagawad Arnold Alicuman ang lubhang napinsala ng malakas na hangin.

Kwento ni Pineda, mainit ang buong maghapon kahapon nang biglang dumilim ang kalangitan bandang 6:30 ng gabi at kasunod noon ay bigla na lang aniyang bumuhos ang ulan na may kasama nang buhawi.

Sa bahay nila sumentro ang buhawi at nawasak ang nasa kalahati ng kanilang tahanan.

Nasa 30 minuto, aniya, na nananalasa ito at takot na takot ang kanilang pamilya na sa kabutihang palad ay walang nasaktan.

Samantala, sa kalsada at paligid ng barangay ay bakas ang lupit ng buhawi at maraming puno ang naputol.

Sa katabing barangay naman ng Tabuan ay nagtatabas ng mga humapay na kawayan ang isang grupo ng kalalakihan.

Tumatama daw kasi sa linya ng kuryente ang mga kawayan na nagsihapay dahil sa buhawi kahapon.

The post Buhawi nanalasa sa Arayat, 2 bahay nawasak appeared first on Punto! Central Luzon.