
DAHIL ANG kuwento ng Pasyon ay kuwento rin ng totoong nangyayari sa buhay natin, minsan, kapag isinasadula ito, makikita mo kung paanong ang mga gumaganap, kahit hindi mga propesyunal na artista ay nadadala sa kuwento. Para kasing tumatagos sa loob nila ang isinasadula nila, tulad ng napanood ko kagabi sa senakulo. Hindi sila nagpapigil kahit palpak ang sound system. Minsan, kahit binibigyan na ng microphone, tuloy-tuloy pa rin sila. Parang talagang pumasok na sila sa katauhan ng karakter na ginagampanan nila.
Nangyari rin ito minsan sa senakulo na isina-entablado ng batikang stage director na si Andy Alviz sa Pampanga. Bago nagsimula ang Senakulo, binigyan niya ng instruction ang mga manonood dahil humingi siya ng audience participation sa dula. Noong dumating na ang dula sa punto na pinapipili ni Pilato ang mga tao kung sino ba sa dalawa ang palalayain: kung si Hesus ba o si Barabbas, may mga batang hindi sumunod sa instruction. Masyado yatang naawa kay Hesus, imbes na si Barabbas ang isigaw, si Jesus ang gusto nilang mapalaya. At nang sabihin ni Pilato, ano ang gagawin ko kay Jesus. Imbes na sumigaw sila ng “Ipako siya sa krus!”, ang sabi nila, “Palayain siya!” Mabuti na lang at mas malakas pa rin sumigaw ang mga matatanda ng “Ipako siya sa krus”. Muntik nang mamrublema ang gumaganap sa papel ni Poncio Pilato. Muntik nang si Barabbas ang mapako. Muntik nang magbago ang kuwento ng Pasyon.
Ang pamagat ng aking homiliya sa Misang ito ay DALAWANG JESUS. Kung nagtataka kayo kung sino ang pangalawang Jesus—kailangang basahin ninyong mabuti ang kuwentong Pasyon ni San Mateo. Doon lang ninyo mababasa na ang buong pangalan pala ni Barabbas ayon kay Mateo ay “JESUS BARABBAS”. Kaya nang papiliin ni Pilato ang tao kung sino sa dalawa ang palalayain niya, dahil parehong “Jesus” ang pagpipilian, kinailangan niyang dagdagan ng bansag: si JESUS NAZARENO ba, o JESUS BARABBAS? Dalawang Jesus ang pagpipilian.
Pareho silang popular sa taumbayan: si Jesus Barabbas ay aktibistang rebolusyonaryo, nakulong dahil bahagi ng kilusang subersibo na nagtataguyod ng armadong rebolusyon laban sa Roman Occupation ng Palestina. Si Jesus Nazareno naman ay propetang tulad ni Juan Bautista na pinapugutan ng ulo ni Herodes dahil maanghang din magsalita laban sa mga otoridad. Pero mas popular kay Barabbas, mesiyas din ang turing ng tao sa kanya, pero hindi sumang-ayon sa paggamit ng dahas at armadong labanan.
Sabi nila, ang mga taong pumili na si Jesus Barabbas ang palayain imbes na si Jesus Nazareno, at sumigaw na ipako ang Nazareno sa krus ay ang mismong mga taong sumigaw din ng Hosana nang salubungin si Jesus Nazareno sa pagpasok niya sa Jerusalem. Sino ang mga ito? Mukhang mga supporters ng mga aktibistang grupo. At sa basa ko, kakuntsaba sila ni Judas Iskariote. May matinding tensyon na nangyayari noong araw na iyon. Mukhang may grupong ibig magsamantala sa popularidad ni Jesus Nazareno—na kung sasabayan nila ang pagdagsa ng mga peregrino sa Jerusalem, hindi sila masisita ng mga sundalong Romano. At kung maaresto ang Nazarenong iniidolo nila, magagalit at mag-aaklas ang taumbayan at pwede nang hudyat iyon ng simula ng rebolusyon.
Ang problema ay—napaaresto nga siya ni Judas Iscariote na mukhang pasikretong kakuntsaba ng mga armadong rebolusyonaryo, pero hindi sumakay si Jesus sa plano nila dahil hindi siya sang-ayon sa paggamit ng dahas. Ibang klaseng rebolusyon ang pinangangaral niya—ibang klaseng kaharian, hindi ng galit at poot kundi ng pag-ibig, malasakit at patawad. Pati kaaway dapat daw ibigin.
Mukhang may ibang mga alagad hindi talaga sang-ayon sa prinsipyong ito ni Jesus at sumabay din sa plano ni Judas—kaya may dala-dala silang armas. Umalma na nga sila nang dumating ang mga kawal ng punong saserdote. Pero sinaway sila ni Jesus. Sabi niya, “Ang aasa sa tabak ay sa tabak din mapapahamak.”
May kutob ako na noong arestuhin siya sa hardin ng Gethsemane, hindi lang siya hinalikan ni Judas. May ibinulong si Judas sa kanya. Ito sa palagay ko ang sinabi niya, “Guro, sumakay ka lang sa plano namin. Kunwari lang na ipapaaresto ka namin, pero huwag kang mag-alala, ako ang bahala sa iyo. Pag nagtagumpay ang himagsikan laban sa Gubyernong Romano, una kayo sa palalayain namin, kayong dalawa ni Barabbas.” Pero dahil sinaway ni Jesus ang mga alagad na kasama sa plano at armado rin, walang pag-aaklas na nangyari.
Mabilis siyang nilitis at sisintensyahan ng bitay. Pumalpak ang plano. Kaya humirit pa si Judas na isoli ang pera para mabawi si Jesus. Handa siyang tumestigo na hindi kasama si Jesus Nazareno sa planong himagsikan ng mga katropa ni Jesus Barabbas. Pero nabigo siya. Kahit ang huling pagkakataon na mailigtas si Jesus ay pumalpak din: sa huling pagkakataon, nang papiliin sila kung sino ang palalayain, si Barabbas ang isinigaw nila. Kaya sa tindi ng hinagpis ni Judas sa sinapit ng kaibigan niya, na hindi niya sinasadya, nagpakamatay siya. Ang dahas na ibig niyang ibunton sa mga kaaway, sa sarili niya ibinunton.
Mga kapatid, patuloy pa rin ang dramang ito. Patuloy pa rin ang pagpili ng tao kay Jesus Barabbas imbes na kay Jesus Nazareno. Sino ba ang bumoto sa pasimuno ng malagim na giyerang patuloy na nangyayari ngayon sa Middle East? Karamihan ay mga Kristiyano. Karamihan ay Katoliko. Ibang Jesus pa rin ang iniidolo nila. Hindi ang Jesus na kordero na handang magbuwis ng buhay para sa ating mga kasalanan, kundi ang Jesus Barabbas na naniniwala pa rin sa batas ng lakas, sa dahas ng armas.
Kahit sa atin sa Pilipinas, ganoon pa rin. Sa Senakulo ng buhay, pinipili pa rin ang mga Jesus Barabbas. Binoboto pa rin ang landas ng dahas, ang landas ng paghihiganti, ng mata sa mata, ngipin sa ngipin, matira ang matibay. Bigo pa rin ang Nazareno kapag pinangunahan tayo ng kahibangan. Kapag mas popular ang paraan ni Satanas. Walang sisigaw para kay Jesus Nazareno kundi mga batang magmamakaawa sa mga nakatatandang tulad natin na bigyan naman sila ng pagkakataon na mabuhay sa isang mundong tunay na patas, makatao, at mapayapa.
(Homiliya Para sa Linggo ng Pagpapakasakit, 29 Marso 2026, Pasyon ni San Mateo 26-27)