Hindi lamang umano solid waste ang bumabagsak sa mga ilog. Sa likod ng mabilis na urbanisasyon sa Angeles City, isa pang mas tahimik ngunit malalim na problema ang unti-unting sumisira sa kalikasan — ang wastewater na mula sa mga poso negro na dumidiretso sa creek at kalauna’y sa ilog.
Ito ang binigyang-diin ni Mayor Carmelo ‘Jon’ Lazatin II na nagsabing hindi sapat na pag-usapan lamang ang solid waste kung ang mismong wastewater management ay hindi pa rin maayos na natutugunan.
Ayon sa alkalde, malaking bahagi ng polusyon sa Abacan River ay nagmumula sa wastewater na dumadaloy mula sa residential at commercial areas patungo sa mga creek na umaabot din sa mismong ilog.
Ipinaliwanag din ng alkalde na ang daloy ng Abacan River ay hindi lamang isyu ng isang lungsod kundi isang interconnected watershed system na sumasaklaw sa ilang lokal na pamahalaan.
Ang upstream ng Angeles City ay ang Mabalacat City at ilang bahagi ng Porac. Sa kabilang banda, ang downstream ng Abacan River ay umaabot sa ikatlong distrito ng Pampanga kabilang ang Mexico at City of San Fernando bago tuluyang bumagsak ang tubig sa mga bahagi ng ikaapat na distrito ng lalawigan na kilala sa malawak nitong industriya ng aquaculture.
Dahil dito, nananawagan ang lokal na pamahalaan ng isang komprehensibong pag-aaral sa wastewater management mula upstream hanggang downstream upang matiyak na hindi direktang bumabagsak sa mga ilog ang untreated wastewater. #
The post Deep dive research sa wastewater management sa Abacan River, panawagan ng Angeles LGU first appeared on CLTV36.