Nanganganib daw na pasukin ng baha at natipong lahar ang poblacion ng Minalin kapag tuluyang bumigay ang mga nasirang bahagi ng tail dike, lalo na kung muling bubuhos ang malakas na ulan sa Pampanga.
Ito ang binigyang-diin ni DPWH Secretary Vince Dizon sa pag-iinspeksyon niya ngayong Lunes, September 14, sa mga napinsalang bahagi ng dike sa Minalin at Sto. Tomas.
Ayon sa kalihim, ilang bahagi ng tail dike ang tuluyang bumigay sa kabila ng paulit-ulit na pagsasaayos dito. Lumalabas din sa pagsusuri na halos kapantay na rin nito ang lebel ng Gugu River dahil sa matagal na umanong naiipong lahar, buhangin at putik.

Upang maiwasan ang mas malubhang sakuna, sisimulan na raw kaagad ang muling pagkukumpuni sa tail dike, gayundin ang pagpapalawak sa kapasidad ng ilog upang magsilbing daluyan ng tubig palayo sa mga kalapit na komunidad.
Ani Dizon, isasagawa ang dredging at desilting sa Gugu River para mabawasan ang naiipong sediment at maibalik ang natural na daloy ng tubig patungo sa Labuan Channel.
Kritikal umano ang proyektong ito dahil kapag patuloy na tumataas ang ilog nang walang sapat na daluyan, posible umanong higit na lumakas ang banta ng baha at lahar sa mga mababang bahagi ng Minalin.
Matatandaan nitong Agosto, kasabay ng tuloy-tuloy na pag-ulan bunsod ng Enhanced Southwest Monsoon o Habagat, bumigay ang portion ng dike sa Brgy. Sta. Catalina at San Nicolas nang umapaw ang Gugu River. Nagresulta ito sa pag-agos ng tubig patungo sa mga karatig-lugar at paglikas ng ilang residente. #
The post Dredging, repair sa Minalin tail dike, isinusulong kontra baha at lahar first appeared on CLTV36.