By MC Galang, CLTV36 News
Isang taon na ang nakalilipas mula nang simulan ng North Luzon Expressway at Subic-Clark Tarlac Expressway ang NLEX-SCTEX community farm — isang proyektong layong palakasin ang seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga lokal na magsasaka sa Pampanga.

Ayon sa NLEX Corporation, mahalaga ang papel na ginagampanan ng community farm sa pagtataguyod ng food security at pagbibigay ng hanapbuhay para sa mga residente ng Barangay Pio, Porac, Pampanga.
Sa pamamagitan ng proyekto, natututo ang mga lokal na magsasaka ng iba’t ibang farming techniques gaya ng traditional farming at hydroponics.
Sa unang anibersaryo ng programa, nakapagtala na ito ng higit sa 1,200 na kilo ng sariwang ani gaya ng pechay, talong, white onions, at marami pang iba.
Ayon sa Farm Operations Supervisor na si Magdalena David, bagama’t bago sa kanila ang hydroponic farming, mapalad sila sa oportunidad na matutunan at magamit ito sa community farm.
Matatandaang naisakatuparan ang 650-square-meter community farm noong nakaraang taon sa pagtutulungan ng NLEX Corp. at ng kanilang mga empleyado katuwang ang Ilug Kamalig Agriculture Cooperative (IKAC), at iba pang volunteers. #
The post Food security at kabuhayan, isinusulong ng NLEX-SCTEX Community Farm para sa mga magsasaka first appeared on CLTV36.