Magkakaroon na ng sariling tahanan ang “Golden Gays” sa City of San Fernando, Pampanga matapos na lagdaan ang isang executive order na bubuo ng Technical Working Group (TWG) para sa pagtatayo ng kauna-unahang “Rainbow House” para sa LGBTQIA+ elders sa lungsod.


Sa nasabing kautusan, binigyang-diin ng city government ang pangangailangan para sa ligtas at suportadong espasyo para sa LGBTQIA+ seniors na kadalasan umanong nakararanas ng diskriminasyon at pang-aabuso.
Batay sa datos ng Outright International and Sage-Advocacies Services sa kanilang FACT SHEET 2023, 35% ng LGBT elders Pilipinas ang walang katuwang sa buhay, 34% ang nakararanas ng kalungkutan, at 26% naman ang hindi maka-afford ng bahay.


Target na simulan ang paghahanda ngayong July kabilang ang benchmarking at profiling ng mga benepisyaryo, habang ang full operation ng Rainbow House ay inaasahang sa April 2026. Isasama rin sa programa ang mga seminar, psychosocial support, at health services.
Pangunahing layunin ng proyekto na magtaguyod ng isang inklusibong pamamahala at social equity para sa mga sektor na matagal nang nasa laylayan, simula sa pinakamatatanda sa LGBTQIA+ community. #
The post Golden Gays ng CSFP, bibigyan ng bagong kanlungan first appeared on CLTV36.