Mahigit limang kilo ng ‘ketamine’ na idineklarang “data cable roll” ang nasabat ng mga otoridad sa isang warehouse sa Clark Freeport Zone nitong Miyerkules, July 30.

Sa isinagawang airport interdiction operation ng mga Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 3 Clark International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, nadiskubre ang isang parcel na naglalaman ng naturang droga mula Lier, Belgium.
Nasa ₱25,310,000 ang kabuuang halaga nito.
Sa pagsisiyasat ng operatiba, tumambad ang anim na pouch na white crystalline substance na kinumpirmang ‘ketamine’ na isang uri ng party drugs na mahigpit na ipinagbabawal sa batas.

Walang naaresto sa operasyon ngunit nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang consignee ng padala na mula umano sa Rodriguez, Rizal.
Kinumpirma namang ligtas at accounted for ang lahat ng operating personnel.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa kaso upang matukoy ang intended recipient ng parcel. #
The post Higit ₱25-M na ketamine, nasabat sa Pampanga first appeared on CLTV36.