Bumisita ang Department of Science and Technology (DOST) – Regional Field Office II sa Pampanga State University nitong July 18 upang pag-aralan ang matagumpay na implementasyon ng Hydraulic Ram o Hydram Pump Project ng pamantasan.

Ang naturang proyekto ay naisakatuparan sa pamamagitan ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) Program.
Isinagawa ang benchlearning activity sa PSU Multipurpose Hall bilang bahagi ng layunin ng DOST II na matuto ng best practices mula sa Region 3 para sa pagpapatupad ng CEST sa kanilang rehiyon.
Ipinakita ng Extension Services Office ng PSU, sa pamumuno ni Engr. Inla Diana Salonga, kung paano nakatulong ang proyekto sa pagbibigay ng abot-kaya at solusyon sa tubig para sa mga liblib na komunidad.
Nagsimula ang proyekto noong 2021 sa ilalim ng Program AQUA o Accessible, Quality, and Unified Approach to Water Access.
Ayon kay Engr. Salonga, humanga ang DOST II sa lawak ng naabot ng proyekto at bukas ang kanilang panig sa posibleng pagtutulungan sa mga state university sa kanilang rehiyon.
Target ng mga susunod na hakbang ang pagpapalawig ng teknolohiyang ito sa mas marami pang komunidad sa bansa. #
The post Hydram project ng Pampanga State U, modelo para sa water access solutions first appeared on CLTV36.