Inobasyon ng mga nasa creative industry, sentro ng 28th Likha ng Central Luzon

LUNGSOD NG MANDALUYONG (PIA) – Pinatingkad ng mga inobasyon ng mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na nasa creative industry ang Ika-28 edisyon ng Likha ng Central Luzon Trade Fair na idinaos sa SM Megatrade Hall sa lungsod ng Mandaluyong.

Bilang simbulo ng lalong pagningning ng mga nasa naturang industriya, pinangunahan ni dating Pangulo at Pampanga 2nd district representative Gloria Macapagal Arroyo ang pagpapailaw sa parol bilang hudyat ng panibagong yugto ng bentahan upang matulungang lumago ang mga MSMEs.

Lumahok ang 151 na mga MSMEs kung saan 31 Tatak Bulakenyo, 29 Love Pampanga, 24 Natural Tarlac, 20 Galing Bataan, 17 Siyempre Aurora at ngayo’y tinatawag nang Best of Zambales na may 14, at ang Obra at Kultura ng Nueva Ecija na 16 na nagpakilala ng mga bagong produkto.

Para kay Arroyo, ang pagbibigay-diin na maitampok ang creative industry ay lalong nagpapataas ng antas ng inobasyon ng mga MSMEs na indikasyon ng panibagong  tagumpay ng One Town, One Product (OTOP) program ng Department of Trade and Industry (DTI).

Bukod sa karaniwang mga food products, karamihan sa mga lumahok sa edisyong ito ng Likha ng Central Luzon Trade Fair ay mga nasa sektor ng furniture, home furnishings, gifts and holiday decors, bags, garments, footwear, fine jewelry at iba pang katangi-tanging mga produkto sa mga lalawigan lang ng rehiyon matatagpuan o mabibili.

Nangibabaw ang mga nasa creative industry sa pagbubukas ng 28th Likha ng Central Luzon Trade Fair sa Megatrade Hall sa SM Megamall sa Mandaluyong City. Prayoridad ng Department of Trade and Industry na lalong umangat ang kanilang galing sa paglikha upang maging bagong exports ng Pilipinas, ngayong isa nang P2 trilyong industriya ang creatives na sa bansa. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Sa ulat ni DTI Assistant Secretary Leonila Baluyut, ang OTOP ay naging daan upang tuwirang matulungang magkaroon ng hanapbuhay at trabaho ang may 1.2 milyong mga MSMEs sa Pilipinas, kung saan 115,644 sa kanila mula sa Gitnang Luzon.

Kaya naman sa pagkakatampok sa maraming mga nasa creative industry, magsisilbing ‘stepping stone’ ng mga MSMEs itong Likha ng Central Luzon Trade Fair upang makarating pa sa maraming mga prestihiyoso at malalaking trade fair tulad ng nakaraang 23rd China-ASEAN Expo na ginanap sa Nanning, China.

Sinabi ni Baluyut na nasa 81 na mga Pilipinong exhibitors ang lumahok dito ngayon ang Pilipinas ang tinaguriang ‘country of honor’, ngayong pinangunguluhan ng Pilipinas ang ASEAN o Association of Southeast Asian Nations.

Target pa itong paramihin at palawakin ng DTI ngayong naiulat sa nakaraang 58th ASEAN Economic Ministers Meeting na pinangunahan ni DTI Secretary Cristina Aldeguer-Roque na lumago sa P2 trilyon ang creative industry sa Pilipinas noong 2025.

Magiging malaking potensiyal na sa pag-angat ng exports ng bansa na magbibigay ng pirming merkado para sa mga produktong nililikha sa mga likod-bahay o mga bakuran para pakinabangan ng mga pandaigdigang mamimili.

Samantala, kabilang din sa mga creative MSMEs na lumahok ang mga benepisyaryo ng Coconut Farmers and Industry Development Plan kung saan ginamit ang Coco Levy Trust Fund, alinsunod sa Republic Act 11524, upang maging puhunan, training at iba pang stratehikong programa upang hindi lamang basta maging isang sangkap ang niyog, kundi maging sustainable na pagkukuhanan ng mga materyales para sa paggawa ng handicrafts, furniture at iban gaya nito. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)