
CALUMPIT, Bulacan — Sa halip na harangin para patigilin sa pamamasada ang mga jeepney drivers kaugnay ng mga nagaganap na kabi-kabilang kilos protesta ngayong araw ay pinagbibigyan ang mga ito ng tubig at pagkain ng isang grupo ng jeepney drivers.
Nauunawaan daw kasi ng Calumpit Jeepney Operator and Drivers Association-Piston (Cajodap) ang hirap sa pamamasada sa gitna ng mataas na halaga ng kada litro ng diesel.
Ayon kay Reggie Manlapig, presidente ng Cajodap, naglikom sila ng pera para ipamahagi sa mga namamasadang jeepney driver ang mga pagkain at tubig na sa halip na harangin ang mga ito at hikayatin na sumama sa protesta.
Tuloy aniya ang kanilang tigil pasada pero ang kanilang protesta ay may kasamang tulong sa kapwa driver na nahihirapan na dahil sa krisis.
Boluntaryo lamang aniya ang tigil pasada sa ilalim ng protesta ngayong araw na may byaheng Meycauyan, Bulacan hanggang City of San Fernando, Pampanga.
Pero sa kabila nito ay patuloy ang kanilang panawagan kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na suspendihin na ang excise tax at value added tax ng diesel dahil ito ang isa sa solusyon sa mataas na presyo ng langis.
Ayon kay Manlapig, kahit may mga rollback na ginawa ay malayo pa rin ito sa P54 na halaga ng kada litro ng diesel bago sumiklab ang gulo sa Middle East.
Dati aniya ay kumikita sila ng P500 hanggang P700 kada araw pero ngayon ay nasa P300 na lang.
Hirap na hirap na aniya sila sa kanilang kalagayan at sa katunayan ay nasa 70% na ng kanilang mga kasama ang tumigil sa pamamasada.
Panawagan niya sa pamahalaan na sana ay gawan agad ng paraan na maibaba ang presyo ng produktong petrolyo kaysa magtaas ng pasahe dahil mas marami ang mapapaboran nito.
Mas mainam aniya na alisin na lang muna ng pamahalaan ang buwis kaysa magbigay ng mga ayuda na pansamantalang mga solusyon lang.