
LUNGSOD NG ANGELES – Bumulwak, bumuhos ang yaman ng kalinangang Kapampangan sa kasiyahan ng mga delegado mula sa Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Singapore, at Pilipinas sa isang makulay at makabuluhang kultural na pagtatanghal sa Systems Plus College Foundation bilang bahagi ng ASEAN Philippines 2026 Cultural & Heritage Tour.
Ang pagtatanghal ay naging isang makapangyarihang pagpapakita at pakikibahagi ng sining, pagkakilanlan, at pagkakaisa kung saan tampok ang Sinukwan Kapampangan at Holy Angel Dance Theatre, na nagbigay-buhay sa tradisyon, musika, at sayaw ng rehiyon.

Isa sa mga naging patibay ng mainit na pagtanggap ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II ang pagbibigay ng tradisyonal na parul sa mga delegado—isang sagisag ng liwanag, pag-asa, at pagkakaisa na sumasalamin sa diwa ng kapayapaan sa buong ASEAN region.
Bilang simbolikong pagkilos para sa kapayapaan at pagkakaisa, nagpalipad din ng mga kalapati ang mga kinatawan—na nagsilbing tulay ng kapayapaan na lumalampas sa hangganan ng mga bansa.

Ayon kay Department of Tourism Region 3 director Dr. Richard G. Daenos, ang Pampanga, ay patuloy na kinikilala bilang isang destinasyong mayaman sa kultura, kasaysayan, at pagkakakilanlan.
Sa pangunguna ng Angeles City Tourism Office sa pamumuno ni Louie Lazatin, patuloy na isinusulong ng lungsod ang adbokasiyang ang kabataan ang susunod na tagapagmana at tagapangalaga ng kultura. Ang kanilang papel ay mahalaga upang maipagpatuloy ang mga tradisyon at identidad ng mga Kapampangan sa susunod na henerasyon.

Ang Lungsod ng Angeles ay patuloy na ipinakikilala bilang isang lunan ng masasarap na pagkain sa Asia, ngunit higit pa rito, ito ay isang lungsod na mayaman sa kasaysayan, sining, at kultura. Bagama’t wala itong mga dalampasigan, ang tunay nitong yaman ay ang mga Angeleño—ang kanilang talento, puso, at pagkakaisa.

Sa pamamagitan ng temang “Experience, Live, Love Angeles City,” muling pinatunayan ng lungsod na ang kultura ay hindi lamang ipinapakita—ito ay ipinamumuhay, pinapasa, at ibinabahagi sa buong mundo bilang tulay ng pagkakaunawaan at pagkakaisa ng bansang ASEAN. Angeles CIO