Hindi na lang ipinapakita kundi aktwal nang itinuturo sa mga Angeleño ang mga tradisyong Kapampangan sa inilunsad na School of Living Traditions ng Angeles City Government.

Sa pamamagitan ng programa, sumailalim sa pitong learning sessions ang unang 15 kalahok na nakatuon sa pagpapayaman ng paggawa ng parol, Kulitan, pagluluto ng sisig, at Kapampangan folk dances.
Pinangunahan ng City Tourism Office ang programa, na layong mapanatili at maipasa sa susunod na henerasyon ang mga lokal na sining, kaalaman, at tradisyon.
Samantala, kabilang sa mga kinilala bilang cultural masters sina Mike Pangilinan, Herminia Pamintuan, Lucio Sison, Renato Calma, Peter de Vera, at Aaron Dalusung Rivera.
Isinagawa ang launching nitong September 12, kung saan nagkaroon din ng pagtatanghal ng polosa at mga sinaunang sayaw sa pangunguna ng Sinukwan Kapampangan at Systems Plus College Foundation.

Ginawaran naman ng sertipiko ang 15 unang nakatapos sa learning sessions, na magsisilbing bagong tagapagdala at tagapagpatuloy ng mga tradisyong Kapampangan. #
The post Kulturang Kapampangan, itinuturo sa bagong School of Living Traditions sa Angeles first appeared on CLTV36.