Patuloy na binabantayan ng mga otoridad ang pagtaas ng lebel ng tubig sa ilang bahagi ng Pampanga River dulot ng walang patid na pag-ulan at hanging habagat.
Sa panayam ng CLTV36 News kay Nestor Nimes, Officer-in-Charge ng Pampanga River Basin Flood Forecasting and Warning Center (PRFFWC), ang mga portion ng naturang ilog sa Arayat, Candaba, at Sulipan sa Apalit ang kasalukuyang nasa ilalim ng iba’t ibang alert levels.
As of 6 AM ngayong Miyerkules, July 23, naitala ang mga sumusunod na water levels: Arayat – 7.23 meters (above alarm level), Candaba – 5.67 meters (above critical level), at Sulipan – 2.94 meters (above alert level).
Aniya, posible pang magbago ang antas ng tubig sa mga nabanggit na portion ng Pampanga River dahil sa dalawang bagyong nabuo sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat.
Patuloy naman umano ang ginagawang monitoring ng bawat Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa ilog, gayundin ang panawagan sa mga residenteng nasa mga kritikal na lugar na maging alerto at sumunod sa anumang abiso. #
The post Lebel ng tubig sa iba’t ibang portion ng Pampanga River, binabantayan first appeared on CLTV36.