By: Angel Francisco, CLTV36 Intern
Arestado sa Sablan, Benguet ang mag-asawang nagpapanggap na dentista.
Ayon sa Philippine Dental Association – Baguio City and Benguet Chapter, matagal na nilang pinagsususpetsahan na fake dentist na sina Jun Jun at Catherine Banal.
Bunsod nito, nagsagawa ng entrapment operation ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Baguio City Field Unit noong August 2.
At matapos mabigong magpakita ng valid license at iba pang mga dokumento ang dalawa, dito na sila binitbit ng mga otoridad at kinumpiska sa kanila ang iba’t ibang klase ng dental equipment.
Haharap ngayon sina Banal sa kasong paglabag sa Republic Act 9484 o ang Philippine Dental Act of 2007.
Samantala, napag-alaman din ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na hindi lang nagpapanggap na dentista ang mag-asawa.
Nasa likod din sila ng “Assumed Balance-Sangla” o yung Param Car Rental scam kung saan umabot ng 149 ang kanilang naging biktima na dati nang naibalita ng CLTV36.
Ayon sa PNP-HPG, rerentahan ng mag-asawa ang sasakyan ng mga biktima at ibebenta ito o isasangla gamit ang mga pekeng dokumento. Umabot na raw sa ₱300-million ang nakuha ng mga suspek mula sa panloloko.
May kaso na ring nakabinbin laban sa mag-asawang Banal sa Angeles City Regional Trial Court Branches 56 at 62 at sa Mabalacat City Municipal Trial Court para sa kasong large-scale swindling, estafa, carnapping at violation sa Bouncing Checks Law.
Matagal nang pinaghahanap ang mag-asawa na nakakatakas dahil papalit-palit ng pangalan at lugar.
Inihain naman ng Regional Highway Patrol Unit Cordillera Administrative Region ang kanilang outstanding warrant nitong August 5.