Mga empleyado ng NIA-UPRIIS madali nang makakapaghulog ng kontribusyon sa SSS, Pag-IBIG Fund

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Magiging madali na ang paghuhulog at transaksyon ng mga empleyado ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (NIA-UPRIIS) sa kanilang buwanang kontribusyon sa Social Security System (SSS) at Pag-IBIG Fund.

Ito ay matapos pumirma ng kasunduan ang ahensya sa dalawang state-owned firms.

Ayon kay NIA-UPRIIS Department Manager Gertrudes Viado, ang tiyak na makikinabang dito ay ang nasa humigit 500 job order o JO at contract of service o COS employees na hangad magkaroon din ng social protection tulad ng mga permanente ang estado ng employment.

“Lagi kong ine-encourage ang lahat ng empleyado ng NIA-UPRIIS na tiyagain lamang nila ang paghuhulog ng kontribusyon na sila rin ang makikinabang,” pahayag ni Viado.

Ang paglagda sa kasunduan ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (NIA-UPRIIS), Pag-IBIG Fund at Social Security System (SSS) para sa mas madaling pagpapa-miyembro, transaksyon, at paghuhulog ng buwanang kontribusyon ng mga kawani ng NIA-UPRIIS, partikular ang mga nasa Job Order o Contract of Service ang estado ng employment. Ang aktibidad ay pinangunahan nina NIA-UPRIIS Department Manager Gertrudes Viado, SSS Luzon Central 1 Division Vice President Vilma Agapito, at Pag-IBIG Fund Member Services Operations Luzon Group Vice President Perlacita Roldan. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

Sa pamamagitan ng inisyatibong ito ay hindi na isa-isang pipila ang mga empleyado sa mga tanggapan ng SSS at Pag-IBIG Fund o sa mga bayad center para lang makapaghulog ng buwanang kontribusyon dahil minsanan at awtomatiko na itong gagawin ng NIA-UPRIIS.

Layunin din ng nilagdaang kasunduan na maipaalam at mailapit ang mga serbisyo at benepisyo ng SSS at Pag-IBIG Fund na kwalipikadong matanggap ng mga miyembro.

Paliwanag ni SSS Luzon Central 1 Division Vice President Vilma Agapito, maraming benepisyo ang hatid ng SSS sa mga miyembro nito tulad ng sickness benefit, disability benefit, maternity benefit, salary loan, retirement benefit, pension loan at death benefit.

Maliban pa rito aniya ang pinakabagong programa ng tanggapan na unemployment benefit katuwang ang Department of Labor and Employment, upang magbigay ng suporta sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagsasara ng mga kumpanyang pinagtatrabahuhan.

Pahayag naman ni Pag-IBIG Fund Member Services Operations Luzon Group Vice President Perlacita Roldan, hangad ng tanggapan na madagdagan pa ang humigit 400 JO at COS ng NIA-UPRIIS na miyembro at covered na ng mga programa.

Kabilang aniya sa benepisyong inihahatid ng ahensiya ay ang multi-purpose loan, housing loan, at calamity loan.

Gayundin ang pag-avail sa MP2 Program na nagbibigay ng mataas na kita sa mga inihuhulog na savings sa Pag-IBIG Fund. (CLJD/CCN, PIA 3-Nueva Ecija)

The post Mga empleyado ng NIA-UPRIIS madali nang makakapaghulog ng kontribusyon sa SSS, Pag-IBIG Fund appeared first on Punto! Central Luzon.