Mga malalaking trak, bus prayoridad padaanin sa Third Candaba Viaduct ng NLEX

PULILAN, Bulacan (PIA) — Prayoridad na padaanin sa bagong gawang Third Candaba Viaduct ng North Luzon Expressway (NLEX) ang mga malalaking trak at bus sa nalalapit na pagbubukas nito ngayong Disyembre.

Iyan ang iniulat ni NLEX Corporation President and General Manager J. Luigi Bautista sa nakaraang inspeksiyon sa proyekto na tumatawid sa mga hangganan ng mga bayan ng Pulilan sa Bulacan at Apalit sa Pampanga.

Prinisinta sa mga lokal na opisyal ng Bulacan at Pampanga ang mga detalye sa proyektong Third Candaba Viaduct ng North Luzon Expressway na bubuksan na sa trapiko ngayong Disyembre 2024. Prayoridad na padaanin dito ang mga malalaking trak at bus upang higit na mapangalaagaan ang mga istraktura ng 50 taong gulang na orihinal na Candaba Viaduct. (NLEX Corporation)

May haba itong limang kilometro na nagsisilbing pinakamahabang tulay sa NLEX.

Layunin nito na mas maproteksiyunan ang istraktura ng matandang northbound at southbound Candaba Viaducts.

Sadyang dinisenyo ang ikatlong viaduct upang matiyak na makakaya ang pagdaan ng mga malalaking trak at bus.

Nauna nang sinubukang buksan sa trapiko ang naturang istraktura nitong nakaraang mga buwan.

Una rito ang tinatawag na Zone 1 o ang Pulilan section noong Agosto samantalang naging operational naman ang Zone 2 portion o ang bahagi ng Apalit nitong Oktubre.

Itinayo ang Third Candaba Viaduct sa pagitan o gitna ng dalawang orihinal na Candaba Viaduct na halos 50 taong gulang na.

Taong 1974 nang ipatayo ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ang mga naunang viaducts at natapos noong 1976.

Bahagi ito ng noo’y ginawang North Diversion Road na kilala ngayon bilang NLEX.

May halagang P8 bilyon ang proyekto na pinondohan ng NLEX Corporation na konsesyonaryo sa rehabilitasyon, pagpapalapad at pagpapahaba ng naturang expressway. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

The post Mga malalaking trak, bus prayoridad padaanin sa Third Candaba Viaduct ng NLEX appeared first on Punto! Central Luzon.