
LUBAO, Pampanga (PIA) — Wala nang malulugi na magsasaka ng palay at wala na ring masasayang na bigas sa Pampanga ngayong nagsimula na ang operasyon ng Rice Processing System (RPS) sa gitna ng binubuong P465.7-milyong Food Security Complex sa Barangay Sta. Catalina sa bayan ng Lubao.
Iyan ang inihandog ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga magsasaka at mga karaniwang mamamayan ng Pampanga nang personal niyang inspeksiyunin ang pasilidad na pinagtulungan ipatayo ng Pamahalaang Panlalawigan at Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech).
Ang istraktura ng imbakan ng mga palay at ang pinaglagyan ng mga makinarya ay pinagawa ng pamahalaang panlalawigan habang P71 milyon naman ang inilaan ng PhilMech para sa mga makinaryang pangpatuyo at pangkiskis ng palay na inangkat pa mula sa Switzerland.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nagmula ang pondo sa Rice Competitiveness Enhancement Fund na mula sa nakolektang taripa sa mga inangkat na Bigas ng mga nasa pribadong sektor alinsunod sa Republic Act No. 11203 o Rice Tariffication Law.
Kaya nitong maglulan o makapag-imbak ng humigit-kumulang 45,000 sako ng tuyong palay at 83,000 sako ng bigas.

Para kay Rodolfo Miguel, Tagapangulo ng San Pedro Palcarangan Association, isang solusyon ang pasilidad na ito upang hindi mapaglaruan ng ilang traders ang mga magsasaka kung saan binibili nang murang mura ang mga bigas sa magsasaka pero ibinebenta nang napakamahal. Mapapataas din aniya ang kita ng mga magsasaka
Ibinalita pa ni Secretary Laurel na dahil sa proyektong ito, pwedeng makapagbenta ang mga magsasaka ng basang palay hanggang P31 kada kilo na bibilhin ng National Food Authority (NFA).
Ito na ang pang 57 yunit ng RPS sa Gitnang Luzon. Target pa ng DA na makapagtayo at makapagbukas pa ng nasa 380 na mga drying facilities bago matapos ang termino ni Pangulong Marcos.
Iba pa rito ang rehabilitasyon ng nasa 36 na mga warehouses ng NFA sa buong bansa.
Binigyang diin ng kalihim na ang lahat ng mga proyektong ito ay inihahanda upang maiaayos at maitama ang Philippine Food Systems na isang prayoridad ng administrasyong Marcos Jr.
Sasalaminin ito ng mga gagawing Mega Food Hubs sa harap ng Clark International Airport; Tiaong, Quezon; Pili, Camarines Sur; Cebu; Manolo Fortich, Bukidnon; at sa Zamboanga Del Norte.
Tanging mga magsasaka lamang ang pwedeng magbagsak ng produktong agrikultural dito at hindi pwede ang mga traders.
Magbubunsod aniya ito na maging abot kaya ang pagbili ng pagkain at maiangat ang kita ng mga magsasaka.
Sa gitna ng tuluy-tuloy na pagpapabuti at pagsasaayos ng mga pasilidad na pang-agrikultura, tututukan naman sa huling dalawang taon ng administrasyon ang pagpapatayo ng tatlong mega hatcheries.
Ito ay para sa pagpaparami ng produksiyon ng bangus, tilapia, hito, samaral, at ulang upang mai-export bukod sa pagkakaroon ng matatag na domestic supply.
Prayoridad din ang pagpaparami ng ani ng ube, dragon fruit, pomelo at iba pang high value commercial crops.
Nagsimula na rin aniya ang repopulation ng hog industry para tuluyang makabangon mula sa African Swine Fever upang mabawi ang nasa anim na milyong ulo ng baboy na nawala.
Samantala, kasabay ng pagsisimula ng operasyon ng RPS, nagkaloob ng P17.7 milyong halaga ng karagdagang puhunan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa iba’t ibang samahan, asosasyon at kooperatiba ng mga magsasaka sa Pampanga.
Bukod dito, nagbigay din si DSWD Secretary Rex Gatchalian ng tig-P3,000 transport allowance sa bawat mga kasapi nito. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Pampanga)